Ang Kadakilaan ng Barako.

Kakabit na ng salitang Batangueño ang salitang BARAKO. Ang kahulugan nito sa mga taga-Batangas ay matapang pero hindi dahil matatapang o siga ang mga Batagueño kaya naikakabit sila sa turang salita. Ito ay dahil sa isang produktong kilala halos sa buong Pilipinas. Sino ang hindi nakakikilala sa kapeng barako?

Lingid sa kaalaman ng marami hindi lamang natutulog na diwa ang kayang gisingin ng kapeng barako sapagkat ito rin ang dahilan kung bakit ang Lipa City sa Batangas ang naging pangalawang munisipalidad na nai-akyat bilang lungsod sa buong Pilipinas. Unang itinanim ang kapeng barako sa Brgy. Pinagtung-ulan, Lipa City noong 1800. Mula noon ay mabilis na umusbong ang industriya ng kapeng barako. Ang Lipa ang naging pinakamayamang munisipalidad sa kitang 4,000,000 sa loob ng isang taon, kaya nga't noong ika-21 ng Oktubre, 1887, sa utos ni Queen Regent Maria Cristina ng Espanya. Idinaos ang pagdiriwang ng pagkaka-akyat ng Lipa bilang isang villa (lungsod) noong Enero 1888 kung saan naimbitahan si Gat Jose Rizal upang magpasinaya ng pagdiriwang subalit hindi ito nakarating, sa halip ay nagpadala ito ng isang tula niya ang "Hymno al Trabajo" (Himno ng Paggawa). Narito ang kopya ng naturang tula (nakasalin sa tagalog).

KORO


Dahilan sa Bayan sa pagdirigmaan, 
Dahil sa Bayan din sa kapayapaan, 
Itong Pilipino ay maasahang 
Marunong mabuhay o kaya’y mamatay.

(Mga Lalaki)

Nakukulayan na ang dakong Silangan, 
Tayo na sa bukid, paggawa’y simulan, 
Pagka’t ang paggawa’y siyang sumusuhay 
Sa bayan, sa angkan, sa ating tahanan.

Lupa’y maaring magmamatigas naman, 
At magwalang-awa ang sikat ng araw 
Kung dahil sa anak, asawa at Bayan, 
Ang lahat sa ating pagsinta’y gagaan.

KORO
(Mga babaing may Asawa)

Magmasigla kayong yao sa gawain,
Pagka’t ang baba’y nasa-bahay natin,
At itinuturo sa batang mahalin
Ang Bayan, ang dunong at gawang magaling

Pagdatal ng gabi ng pagpapahinga,
Kayo’y inaantay ng tuwa’t ligaya
At kung magkataong saama ang manguna,
Ang magpapatuloy ang gawa’y ang sinta.

KORO
(Mga Dalaga)

Mabuhay! Mabuhay! Paggawa’y purihin
Na siyang sa Baya’y nagbibigay-ningning!
At dahil sa kanya’y taas ng paningin,
Yamang siya’y dugo at buhay na angkin.

At kung may binatang nais na lumigaw,
Ang paggawa’y siyang ipaninindigan;
Sapagka’t ang taong may sipag na taglay,
Sa iaanak nya’y magbibigay-buhay.

KORO
(Mga Bata)
Kami ay turuan ninyo ng gawain;
At ang bukas ninyo’y aming tutuntunin
Bukas, kung tumawag ang bayan sa amin,
Ang inyong ginawa’y aming tatapusin.

Kasabihan niyong mga matatanda:
“Kung ano ang ama’y gayon din ang bata,”
sapagka’t sa patay ang papuri’y wala.
Maliban sa isang anak na dakila.


Bilang tanging lungsod na nagsusuply ng kape sa buong Pilipinas, mabilis na yumabong ang kabuhayan ng mga taga-Lipa. Nagsulputan ang magagarang mansyon sa bayan na may makikisig na adornong karamihan ay angkat mula sa Europa. Ang mga anak ng mayayamang taga Lipa ay ipinadala sa Maynila at Espanya upang makapag-aral. Madalas noon ang mga pagdiriwang sa lungsod kaya nga nakilala ito bilang isa sa pinaka-masasayang lugar sa Pilipinas.

 

Malalim ang ugat ng pagkakatanyag sa lipa bilang lupain ng kapeng barako kung kaya nga at hindi basta-basta ito mawawala kahit pa ang naturang halaman ay matatagpuan na sa iba't-ibang panig ng bansa ngayon. Mananatiling barako ang mga taga-Lipa.








https://lipatourism.wordpress.com/culture/lipa-city-history/
http://www.joserizal.ph/pm07.html
https://en.wikipedia.org/wiki/Lipa,_Batangas
http://chooseweb.s3.amazonaws.com/raw/kape.jpg

Mga Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

KAROSA

THE VICTORY OF VICTORY MALL

Quezon Gastronomy